MANILA, Philippines - Muling iniluklok bilang Speaker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso si 4th district Rep. Feliciano “Sonny†Belmonte sa pagbubukas ng 16th Congress kahapon.
Sa botong 245 naihalal si Belmonte samantalang Minority leader naman si San Juan Rep. Ronnie Zamora na nakakuha ng 18 boto laban kay Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na nakakuha ng 16 boto.
Agad nanumpa si Belmonte bilang speaker sa pinakabatang kongresista na si Camiguin Rep. Xavier Jesus Romualdo kasama ang kaniyang mga anak sa pangunguna ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte.
Eksaktong alas-10:00 ng umaga ng magbukas ang 16th Congress matapos dumalo ang 267 mambabatas at idineklara ang Quorum.
Kasabay nito itinalaga na rin ang anim na Deputy Speakers na kinabibilangan nila Reps. Henedina Abad (Batanes), Giorgidi Aggabao (Isabela), Sergio Apostol (Leyte), Pangalian Balindong (Lanao del Sur), Carlos Padilla (Nueva Vizcaya) at Roberto Puno (Antipolo).
Sa kabuuan mayroong 289 ang miyembro ng 16th Congress habang hinihintay ang protesta sa Commission on Election (COMELEC) ng Senior Citizens at TUCP party list kayat hindi pa naipoproklama ang mga ito na makakakuha ng 3 seats.