Hapones nagbaril sa sarili

MANILA, Philippines - May sakit umano sa pag-iisip ang isang Japanese national na natagpuang patay ma­tapos magbaril sa  bibig, habang nasa kalye sa Malate, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Patuloy pang nakikipag-ugnayan sa Japanese Embassy para sa isinasagawang imbestigasyon ang MPD-Homi­cide Section kaugnay sa pagpapakamatay ng isang Tomamasa Kirosawa, 30, mula Hyugo Japan, na pansamantalang nakalagak ang labi sa Universal Funeral  morgue para sa kaukulang awtopsiya.

Isasailalim din sa ballistic examination ang nakuhang kalibre .22 na baril sa kaniyang tabi.

Sa ulat ni SPO2  Ronald Gallo, dakong alas-4:45 ng hapon noong  Linggo (Hulyo 21) sa J. Bacobo St. sa Malate,  nang makita ang biktima na nakalugmok sa bangketa at duguan.

Nakarekober ng awto­ridad maliban sa baril ang  asul na pocket book kung saan may nakasulat na suicide note sa wikang English at Hapon na nagsasaad din na gusto niyang bumili ng baril upang takasan ang problema hinggil sa pagkakaroon niya ng record sa mental hospital.

Gayundin ang nakuhang impormasyon sa kanilang embahada na naipasok ito sa mental hospital sa kanilang bansa­ noong siya ay nasa 21-anyos pa lamang.

Nakuha rin sa kanyang malaking wallet ang iba pang gamit tulad ng Iphone,  personal na dokumento kabilang ang ID na nakapag-aral ito sa isang kilalang unibersidad sa Japan.

Patuloy pang inaalam mismo ng embahada ng Japan ang hotel kung saan tumuloy ang biktima na dumating lamang umano noong Hulyo 19.

 

Show comments