MANILA, Philippines - Umalma ang isang negosyante sa lumabas na ulat hinggi sa pagdawit sa kanyang pangalan bilang may-ari ng isa sa Mitsubishi Montero na ginamit ng grupong Kidnap For Ransom na Ozamis gang matapos ang madugong rescue operation sa dinukot na Chinese trader sa Davao City, kamakailan.
Sa panayam ng PSN kay Nelson Doloiras, wala umano siyang nalalaman na pag-aaring Montero dahil isa lamang siyang ordinaryong negosyante sa kanilang probinsya sa Sorsogon.
Giit nito, kaya siya lumabas para ipahayag ang karaingan na linisin ang kanyang pangalan dahil nangangamba siyang nakakaladkad sa kontrobersiya na wala naman umano siyang nalalaman.
Bukod pa anya dito, naaapektuhan din umano ang kanyang pamilya dahil sa balitang kasangkot sa grupo ng Ozamis gang bunga ng nasabing maling balita.
Sabi ni Doloiras, niliÂnaw anya sa kanya ng mga awtoridad sa Davao na hindi nila binanggit na pag-aari niya ang Montero, kundi ang mga reporters matapos na makita ang ilang dokumentong nakuha sa loob ng sasakyan kabilang ang photocopy ng registration reciept na nakapangalan sa kanya.
Si Doloiras, ang binanggit sa mga balita na isa sa mga may-ari ng Montero na ginamit ng kilabot na grupong Ozamis nang maganap ang shootout habang inililigtas ang dinukot na Chinese businesswoman sa Davao City kung saan nakakuha ang mga awtoridad ng mga dokumento at kabilang sa mga ito ay ang photocopy ng registration receipt na nakapangalan sa kanya at may temporary plate number na BW3086.
Giit ni Doloiras, ang nasabing registration receipt ay hindi para sa Montero kung hindi sa kanilang delivery truck na Isuzu na may plakang GNW-892 na pinatotohanan na anya ng imbestigador sa Davao, maging ng pamunuan ng PACER.
Nang tanungin naman si Doloiras kung papaano napunta sa grupo ng Ozamis ang kanyang dokumento, sinabi nitong nagtataka din siya ukol dito, pero tinitingnan niyang baka nakuha ito ng grupo sa isa niyang empleyado, bagay na iniimbestigahan na umano ng Davao Police at PACER.