MANILA, Philippines - Produkto umano ng campaign politics ang pagkakatalaga kay Chief Superintendent Marcelo Garbo bilang bagong direktor ng National Capital Regional Police Office.
Ito ang bintang ni United Nationalist Alliance (UNA) Secretary General Toby Tiangco na nagsabi pa na maaaring kuwalipikado si Garbo sa pinakamataas na posisyon sa NCRPO pero ipinalalagay na isa itong gantimpala sa “natatangi†nitong pangangasiwa kaugnay sa anim na buwang suspension kay dating Cebu governor Gwendolyn Garcia noong Disyembre 2012.
“Karaniwan na ang mga appointment pagkatapos ng mga eleksyon. Pero nangangamoy ang panghihimasok ng Liberal Party sa PNP na dapat sanang malaya sa impluwensiya ng pulitika,†diin ni Tiangco.
Sinasabi ng mga impormante na si Garbo ang personal na napisil ng isang “maimpluwensiyang†miyembro ng Gabinete para mamuno sa NCRPO.
Matatandaan na, alinsunod sa rekomendasÂyon ng Department of Interior and Local Government, sinuspinde ng Malacañang si Garcia tatlong buwan bago nagsimula ang kampanya sa halalan noong Mayo 2013.
Pinuna ni Tiangco na ang pagkakatalaga kay Garbo ay taliwas sa mga pagsisikap na ilayo sa impluÂwensiya ng pulitika ang PNP.
Si Garbo na isa sa prominenteng personahe sa naganap na gulo sa Cebu capitol noong Disyembre 2012 ay kasalukuyan ding iniimbestigahan ng Ombudsman kaugnay ng insidente.