‘Pork’ ni PNoy alisin din!
MANILA, Philippines - Dapat na ring tanggalin ang Priority Development Assistance fund (PDAF) o pork barrel ni Pangulong Aquino.
Ayon kay Anakpawis partylist Rep. Fernando Hicap, maghahain sila ng panukalang batas tungkol sa pagbasura sa pork barrel ng mga senador at kongresista gayundin sa pork barrel ng Pangulo.
Giit ni Hicap, simula pa noon ay nagiging ugat lamang ng korapsyon ang pork barrel at ginagamit pa ang pondo sa kanilang political interest.
Sa halip umano na ilaan ang pork sa mga mambabatas ay itaas na lamang ng national government ang taunang budget para sa social services, kasama na ang edukasyon, mass housing at public health care.
Para sa 2013, kasama sa pondo ng Pangulo ay Calamity fund (P7.5 billion), Contingent fund (P1 billion), E-Government Fund (P1-billion), Support for Infrastructure Projects and Social Programs (P23 billion) at Intelligence funds (P2 billion).
Sa mga mambabatas ay umaabot sa P24.7 bilyon ang nakalaang PDAF at bawat kongresista ay entitled sa P70 milyon na pork barrel habang P200 milyon sa mga senador.
Nakasaad sa panukala ang pagbabawal sa Pangulo ng pagbibigay ng budgetary item kabilang na rito ang pagsusumite ng budget sa Kongreso kada taon at pagbabawal sa pagkuha ng mga pondo para sa PaÂngulo mula sa kita ng revenue generating agencies na Pagcor, PCSO at sa Malampaya fund.
- Latest