Pawnshop inatake ng acetylene gang

MANILA, Philippines - Isang pawnshop ang natangayan ng hindi pa mabatid na halaga ng alahas makaraang pasukin ito ng kilabot na grupong acetylene gang sa pamamagitan ng pagdaan sa imburnal sa lungsod Quezon kahapon.

Ayon sa ulat, ang pinasok ng grupo ay ang Gemmary Pawnshop and Jewelry na matatagpuan sa Arayat St., corner Mataba St., Cubao.

Sabi ni Esmeraldo Manalo, team leader ng Brgy. San Martin de Porres, alas-8:30 ng umaga nang matuklasan ng mga kawani ang nasabing insidente ang panloloob.

Sinasabing napuna ng mga kawani na butas ang sahig na pinagtutuntungan ng vault kung saan nawawala ang mga piraso ng alahas na nasa isang layer nito.

Ayon pa kay Manalo, nagawang makapasok sa sanglaan ang mga suspect sa pamamagitan ng pagdaan sa imburnal mula sa Brgy. Immaculate patungo saka gumawa ng butas patungo sa nasabing sanlaan. 

May narekober din sa lugar na acetylene, superkalan, at ilang piraso ng makapal na kahoy na ginamit ng mga suspect sa kanilang operasyon.

Sa kasalukuyan, ayaw pang magbigay ng impormasyon ang imbestigador ng Police Station 7 dahil nagsasagawa pa umano sila ng pagsisiyasat ukol dito.

 

Show comments