MANILA, Philippines - Umapela ang Philippine Medical Association (PMA) kay Pangulong Noynoy Aquino na ipagbawal o i-ban ang pagbebenta ng mapanganib na electronic cigarettes.
Sa statement ni PMA President Dr. Leo Olarte, mismong ang Department of Health, Food and Drugs Administration at maging ang World Health Organization ang nagpatunay na ang paggamit ng e-cigarette ay mapanganib sa kalusugan, maaaring pagmulan ng cancer lalo at hindi naman malinaw kung ano ang mga sangkap na nakapaloob sa paggawa nito.
Matatandaang sinabi rin ng WHO na ang nicotine replacement therapy na ibinibigay ng e-cigarette ay hindi ligtas sa tao, at hindi rin garantiya na ang paggamit ng e-cigarette ay magbibigay daan para makaiwas na sa paninigarilyo.
Ang e-cigarette na kinalolokohan ngayon ay nagiÂging alternatibong bisyo na ng mga kabataan.
Kahit na umano may babala ang DOH laban sa paggamit nito ay nakapagtatakang marami pa ring e-cigarette stores ang nagsusulputan dahil na rin sa marami ang tumatangkilik.
Tiwala ang PMA na tutugunan ng gobyerno ang kanilang kahilingan.