Liderato ng TUCP pinag-aaralan ng COMELEC

MANILA, Philippines - Pinag-aaralan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang naging desisyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa  usapin  sa liderato ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP).

Ayon kay COMELEC Chairman Sixto Brillantes, Jr., ito ay upang makatulong sa kanila upang malaman kung sinong ‘set ng party-list nominees’ ng nasabing organisasyon ang kanilang kikilalanin.

Posible rin aniya na  pagbatayan o gamitin  na lamang nila ang desisyon ng DOLE na kumikilala kay Democrito Mendoza bilang presidente ng TUCP upang maipagkaloob na nila ang Certificate of Proclamation (COP) ng grupo.

Napag-alaman din sa poll chief na sa Martes, July 16, 2013 ay itinakda ang  pagdinig ang Comelec en banc hinggil sa nasabing isyu.

Matatandaan na una ng ibinasura ng DOLE ang claim ni dating Senador Ernesto Herrera bilang presidente ng TUCP. Sa katatapos na May 13 polls, ay nakakuha ng 1 seat sa kongreso ang TUCP na nakapagtala ng  368,883 boto.

 

Show comments