MANILA, Philippines - Sinopla kahapon ng Malacañang ang ipinalabas na shoot-to-kill order ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte laban sa lahat ng kriminal na papasok sa nasasakupan niyang lugar.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte labag sa batas ang nasabing kautusan ni Duterte.
“Bawal po sa batas yon eh,†ani Valte.
Sa tanong kung puwedeng kasuhan si Duterte sinabi ni Valte depende ito kung sino at kung may gustong magsampa ng kaso.
Pinuna rin ni Valte na hindi ito ang unang pagkakataon na nagpalabas ng shoot-to kill order si Duterte na una ng nagbanta laban sa mga kriminal sa Davao City.
Matatandaan na tatlong kidnappers ang napatay sa isang shootout sa Davao City noong nakaraang Huwebes kung saan nailigtas ang isang kidnap victim.
Sinabi ni Valte na nauunawaan nila na kailangang panatilihin ng mga local chief executives ang katahimikan sa kanilang lugar pero dapat pa rin itong gawin ng hindi lumalabag sa batas.
Hindi aniya puwedeng lumabag sa batas ang sinuman sa pagnanais na mapanatili ang peace and order sa isang lugar.
Ipinaalala pa ni Valte na mahalaga pa rin na may mga nakikitang nakakalat na pulis upang matakot ang mga kriminal.