Repatriation fund ng OWWA sisilipin

MANILA, Philippines - Nais ni Senator Fer­dinand “Bongbong” Mar­cos Jr. na imbestigahan ng Senado ang emergency repatration fund ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na nakalaan para sa pagpapauwi sa bansa ng mga distressed overseas Filipino workers.

Sa Senate Resolution No.32 na inihain ni Marcos sinabi nito na mahalagang masilip ang pondo at ma­tingnan kung tama ang paggamit nito at kung napapakinabangan ng mga OFW.

Pinuna ni Marcos na dumarami ang bilang ng mga distressed OFWs na dapat tulungan ng gobyerno kasama na ang mga nasa Saudi Arabia.

Sinabi ni Marcos na hindi dapat nangyari ang “sex-for-flights” kung saan nasangkot ang ilang opis­yal ng embahada sa Middle East dahil may pondo naman ang mga OFW para sa pambili nila ng tickets pabalik ng Pilipinas.

Ayon pa sa senador, ang mga plane tickets ay dapat ibinibigay ng libre sa mga nangangailangang OFWs dahil nakasaad ito sa Republic Act 8042 o Migrant Workers and Overseas Filipino Act of 1995.

Nakasaad din aniya sa batas ang pagtatatag ng emergency repatriation fund sa ilalim ng administrasyon na may initial na pondong P100 milyon.

“We need to know how this fund was or being disbursed. The people handling this should explain and we have to hear from them to know what happened,” ani Marcos.

Show comments