MANILA, Philippines - Gustong paamyendahan ni Senator Franklin Drilon ang Sandiganbayan Law upang masigurado ang mabilis na resolusyon ng nasa 2,600 kasong nakabinbin sa anti-graft court.
Sa Senate Bill 470 na inihain ni Drilon sinabi nito na dapat solusyunan ang nakapabagal na pag-usad ng kaso sa Sandiganbayan at mangyayari lamang ito kung mababago ang ilang probisyon ng batas partikular ang Section 3 ng Sandiganbayan Law.
Nakasaad sa Section 3 na kinakailangan ang presensiya ng hindi bababa sa tatlong justices sa pagdinig ng isang kaso bago mai-prisinta ang mga ebidensiya.
Nais ni Drilon na magkaroon ng kapangyarihan ang bawat isang justice ng anti-graft court para duminig at tumanggap ng ebidensiya para sa division kung saan siya kasama. Sa ilalim ng batas ang Sandiganbayan ay may limang division na may tig-3 justices.
Ayon kay Drilon tumatagal ng lima hanggang walong taon ang mga kaso sa Sandiganbayan bago matapos ang pagdinig. Hindi aniya nakakatulong sa paglaban sa korupsiyon ang napakabagal na pagdinig ng mga kasong nakahain sa Sandiganbayan.