75 Pinoy dineport sa Japan

MANILA, Philippines - May 75 Pinoy ang ipinatapon ng pamahalaan ng Japan at 54 sa kanila ang umuwi sa bansa na nakaposas noong Sabado.

Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez, mula sa nasabing bilang, 54 dito ang kalalakihan habang hindi kabilang sa mga ipinosas ang 13 babae at walong bata.

Nilinaw ni Hernandez na ang pagposas sa mga Pinoy deportees ay alinsunod sa safety measures na ipinatutupad ng airline. 

Inalis din ang posas sa mga lalaki pagsapit sa teritoryo ng Pilipinas.

Ang 75 deportees na inihatid ng mga opisyal ng Japanese Immigration at Embahada ng Pilipinas sa Tokyo ay lumabag umano sa immigration laws ng Japan. Sila ay sinalubong ng mga kinatawan ng DFA, Immigration, OWWA at DSWD paglapag ng sinakyang eroplano sa Ninoy Aquino International Airport mula Japan.

May mahigit 100 Pinoy pa ang nasa immigration jail sa Japan na nag-aantabay ng kanilang deportasyon.

Nakikipag-ugnayan na ang Embahada sa Japanese immigration authorities upang matiyak na magiging maganda ang trato sa mga Pinoy doon na karamihan umano ay overseas workers.

Show comments