Pag-aaplay ng warrant ng PDEA aprub sa SC

MANILA, Philippines - Pinapayagan na ng Korte Suprema ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mag-aplay ng search warrant kaugnay ng mga paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa 2-pahinang circular ni Court Administrator Justice Jose Midas Marquez, nakasaad na salig sa Resolusyon ng SC En Banc nuong June 4, 2013, maari nang mag-aplay para sa search warrant ang PDEA sa mga regional trial court sa Maynila at Quezon City.

Nang dahil sa nasabing kautusan, inamyendahan ng korte ang Section 12 ng guidelines ng Korte Suprema na may kinalaman sa tungkulin at kapangyarihan ng mga Executive Judges.

Gayunman, bukod sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, maari na ring mag-aplay ang PDEA gayundin ang NBI, PNP at Anti Crime Task Force ng search warrant kaugnay ng mga heinous crime, illegal gambling, illegal possession of firearms and ammunitions, paglabag sa Intellectual Property Code, Anti Money Laundering Act at Tariff and Customs Code.

Nilinaw naman ni Justice Marquez na ang search warrant na ipapalabas ng QC at Manila RTC ay maaring ipatupad sa buong bansa.

Ang nasabing kautusan ng Korte Suprema ay alinsunod na rin sa rekomendasyon ng Office of the Court Administrator.

Show comments