‘Filipinas’ hindi prayoridad

MANILA, Philippines - Naniniwala si Senator Gringo Honasan na hindi dapat maging prayoridad ng gobyerno ang pagpapalit ng pangalan ng bansa kung saan ang Pilipinas ay gagawing “Filipinas”.

Ayon kay Sen. Honasan, hindi siya pabor lalo pa’t mas maraming dapat maging prayoridad ang gobyerno.

Hindi pa rin tiyak kung kinakailangang magkaroon ng batas para mapalitan ang pangalan ng bansa bagaman at nagpalabas na ng resolusyon ang Komisyon ng Wikang Filipino tungkol dito.

Pero ayon kay Honasan mas dapat na munang pagtuunan ng pansin ang mga problemang kinakaharap ng bansa katulad ng pagkain, pabahay, trabaho, edukasyon, ospital at marami pang iba.

Nauna rito, hinikayat ng KWF na gamitin na ng ilang institusyon ang Filipinas bilang pangalan ng bansa lalo pa’t nasama na umano sa alpabetong Filipino ang letrang “F”.

Pero base sa ilang survey lalo na sa mga social networking sites, maraming tumututol sa panukala na posibleng magdulot pa umano ng kalituhan sa mga mag-aaral.

 

Show comments