MANILA, Philippines - Papalitan na ng Philippine National Police ang kulay at disenyo ng uniporme ng mga pulis.
Ayon kay PNP Chief Director General Alan Purisima, nais nilang gawin na mas mapusyaw o light blue ang kulay asul na pang-itaas na polo ng kapulisan.
Sa kasalukuyan ay navy blue ang kulay ng uniporme ng mga alagad ng batas.
Ayon kay Purisima, gusto nilang gawing mas magaan at malamig sa mata ang kulay ng uniporme, mas convenient gamitin o malambot ang uri ng tela at hindi mainit sa katawan.
Maging ang mga sombrero ng mga pulis ay plano na ring palitan ng PNP.
Inihayag ni Purisima na para makakuha ng ideya sa bagong disenyo ng uniporme ng mga pulis ay magsasagawa ang PNP ng ‘cop walk’ o fashion show ng mga pulis sa Multi Purpose ng Camp Crame dakong alas-6 ng gabi ngayong Huwebes.
Sa nasabing ‘cop walk’ ay rarampa ang mga pulis at ipakikita ang iba’t ibang disenyo ng uniporme ng mga pulis kung saan 16 sets ng mga uniporme ang ipakikita na gawa ng iba’t ibang designers.
Nabatid na kumpleto ito sa mga judges dahil magsisilbi itong kumpetisyon sa nasabing ‘cop walk’.
Gayunman, nilinaw naman ni Purisima na kung anumang design ang mananalo ay hindi nangaÂngahulugan na ito ang susunding disenyo para maging bagong uniporme ng mga pulis.
Ipinaliwanag ni Purisima na kailangan pang plantsahing mabuti hanggang sa mapagkasunduan kung ano ang susunding disenyo.
Inaasahang sa taong ito ay maisusuot na ng mga pulis ang bago nilang uniporme.