MANILA, Philippines - Nagbigay ng panibagong apat na buwang extension o palugit ang Saudi Arabia government sa mga dayuhang manggagawa kabilang na ang mga overseas Filipino workers upang itama at iayos ang kanilang panaÂnatili.
Sinabi ni Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez na nagbigay ng hanggang Nobyembre 3, 2013 ang Saudi government upang mabigyan pa nang pagkakataon ang lahat ng dayuhang manggagawa kabilang na ang may undocumented OFWs na stranded na makakuha ng exit visas o di kaya’y maisaayos ang kanilang lehitimong pananatili sa Saudi.
Ang panibagong extension sa mga illegal OFWs sa Saudi ay bilang tugon ni Saudi King Abdullah bin Abdulaziz sa kahilingan ng mga bansa kabilang na ang Phl government na mapalawig pa ang ibinibigay na palugit sa mga illegal foreign workers alinsunod sa bagong ipinatutupad na Saudization policy sa kingdom.
Nanawagan ang DFA na samantalahin ng mga undocumented Filipinos ang nasabing extension upang makaiwas sa crackdown ng Saudi authorities kapag natapos ang nasabing palugit.
Magtatapos ngayong Miyekules, Hulyo 3 ang unang 3-months reprieve ni King Abdullah. Ikinagalak naman ng mga OFW ang panibagong 4 buwan na extension.
Isa sa mga dahilan ng palugit ay ang kabagalan din mismo ng Saudi sa pagpoproseso sa mga dokumento ng mga illegal foreign workers hindi lamang ang mga OFWs.