Karampot na rolbak ipinatupad

MANILA, Philippines - Matapos ang pitong magkakasunod na price hike, nagpatupad ng maliit na rolbak sa presyo ng petrolyo ang mga kumpanya ng langis kahapon ng umaga.

Dakong alas-12:01 ng madaling araw nang magkakasabay na magpatupad ng rolbak ang mga kumpanya sa pangunguna ng Pilipinas Shell, Petron Corporation at Seaoil Philippines.  Inaasahan naman na susunod rin ang Chevron Philippines sa rolbak.

Nasa P.55 sentimos kada litro ng premium at unleaded gasoline ang itinapyas ng mga kumpanya, P.45 sentimos kada litro sa diesel at P.65 naman sa kerosene.

Dakong alas-6:00 naman ng umaga nang sumunod sa kahalintulad na bawas-presyo ang Phoenix Petroleum at Total Philippines.  Matatandaan naman na una nang nagtapyas ng kanilang presyo nitong nakaraang Sabado ang Flying V at Unioil Philippines.

Ayon sa mga kumpanya ng langis, ang pagbaba ng kanilang presyo ay bunsod umano ng pagbaba rin sa inaangkat nilang produktong langis sa internasyunal na merkado partikular na sa Singapore market.

 

Show comments