MANILA, Philippines - Isang nagpakilalang pulis ang inireklamo ng pananakot at pagbabanta sa buhay ng isang negosyante matapos magkaroon ng gitgitan sa trapiko sa Alabang-Zapote Road sa Talon, Las Piñas City nitong Hunyo 22, 2013.
Sa kuwento ng biktimang si Narciso Diokno, alas-12:10 ng umaga habang nagda-drive siya sa naturang kalsada pauwi sa kanyang tirahan sa BF Resort ng makagitgitan ang isang gray Innova na walang plaka. Sa puntong ito’y nag-init umano ang ulo ng driver nito at agad naglabas ng tsapa at pinahihinto ang puting Mazda na sinasakyan ng complainant. Ikinatakot ng biktima ang pangyayari dahil nasa madilim na lugar sila kaya sumibad siya papasok sa BF Resort kung saan siya nakatira.
Hinabol umano siya ng driver ng Innova at inabutan ang biktima sa mismong gate ng BF Resort at humarang sa harap ng kanyang sasakyan at agad bumaba ang ‘di umano’y pulis at minura ang biktima sabay sampal sa mukha nito ang kanyang “badge,†at nagsabing “papatayin kita!†Nagkaroon ng alitan sa pagitan ng biktima at driver ng Innova hanggang tumawag ng pulis ang guwardiya ng naturang village.
Dumating ang rumespondeng pulis na kinilala sa mga pangalang PO2 Manaog at PO2 Aclo at nagpakilala ang driver ng Innova at ipinakita ang kanyang badge.
Ipinagtaka ng biktima ng ipakita ng driver ng Innova ang kanyang tsapa ay agad itong pinasibat ni Manaog. Sa Police Community Precinct (PCP) 7 ay inireklamo ng biktima kung bakit ‘di umano ginawa nina Manaog at Aclo ang Standard Operating Procedure (SOP) at hinayaang makatalilis ang driver ng Innova ng ‘di man lang kinunan ng pormal na pahayag gaya ng ginawa sa kanya. Iginiit pa ng biktima na hindi man lang kinuha ng mga rumespondeng pulis ang pangalan ng driver ng Innova gayong binantaan siya nitong papatayin.