War games ng Phl, US Navy sa Scarborough Shoal kasado

MANILA, Philippines - Upang mapalakas pa ang kapabilidad ng depensa ng militar sa naval operations, magsasagawa ng joint military exercises ang Philippine Navy at Estados Unidos malapit sa pinagtatalunang Panatag Shoal o Scarborough Shoal sa Zambales.

Sinabi ni Navy spokesman Lt. Commander Gregory­ Gerald Fabic, ang Cooperation Afloat Readiness and Training (CARAT) exercises ay isasagawa ng Phl at US Navy simula Hunyo 27-Hulyo 2. Ang opening cere­mony ay isasagawa sa Subic Bay, Zambales.

Tatapatan ito ng modernong mga barko ng US Navy, miyembro ng US Marines, mga aircraft, medical experts at construction brigade.

Nilinaw naman ni Fabic na walang kinalaman ang CARAT exercises sa tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China na nag-aagawan sa Scarborough Shoal.

Magugunita na nagkaroon ng standoff sa pagitan ng barko ng Pilipinas at China na nag-ugat matapos na habulin upang arestuhin ng Philippine Navy ang mga illegal na mangingisdang Intsik na naaktuhan sa Scarborough Shoal pero pinigilan ito ng mga barko ng China noong Abril 2012.

Binakuran na rin ng China ang Scarborough ng boya-boya para sa mga mangingisda nitong Intsik na nagsasagawa ng intrusyon sa lugar at nagtataboy naman sa mangingisdang Pinoy.

 

Show comments