Opisyal sa ‘sex for fly’ lumantad!

MANILA, Philippines - Humarap kahapon sa Overseas Workers Wel­fare Administration (OWWA) office si dating acting Labor Attache to Jordan Mario Antonio na inakusahan na sangkot sa “sex for fly” para pabulaanan na sangkot siya sa pambubugaw at pagbebenta sa mga nagigipit na OFWs sa Jordan.

Si Antonio ay isa sa tatlong opisyal ng Philip­pine Overseas Labor Office (POLO) at Embahada ng Pilipinas sa Jordan, Kuwait at Syria na idina­dawit sa “sex for fly” o “sex-for-hire” sa mga na­gi­gipit na Pinay na tumakas sa kani-kanilang amo.

Sinabi ni Antonio na ginampanan niya ang kanyang tungkulin bilang acting labor attache sa POLO sa Jordan. Nag­lingkod umano siya ng tapat sa loob ng 30 taon sa limang Phl post sa iba’t ibang bansa.

Ipinaliwanag pa ni Antonio na sa Jordan, may humigit kumulang sa 28,000 Pinoy at 90 por­­ syento umano dito ay household service wo­r­­kers (HSWs) na karamihan ay hindi dumaan sa tamang proseso sa Philip­pine Over­seas Employment Ad­ministration (POEA) na maaari umanong ituring na trafficker o illegally recruited persons. Sa kabila umano nito, binibigyan pa rin sila ng kaukulang protective custody sa POLO shelter sa panahon ng ka­nilang pangangailangan.

May mga patakaran daw siyang mahigpit na ipi­ natutupad para sa pro­teksyon ng mga distressed workers, na posibleng isa rin umano sa mga tinitingnan niyang dahilan upang idawit siya sa kontrobersya ng kanyang mga nasagasaan.

Bukod kay Antonio, isang opisyal ng Emba­hada sa Damascus at isang welfare officer sa POLO Kuwait ang isi­na­sailalim na sa imbes­tigasyon kasunod ng ka­utusan ng DFA at DOLE na sila ay pauwiin sa bansa at harapin ang mga akusasyon laban sa kanila.

 

Show comments