MANILA, Philippines - Itinakda ng Commission on Elections (Comelec) sa Hulyo 1 ang voters registration para sa barangay elections habang sa Hulyo 22-31 naman itinakda ang para sa Sangguniang Kabataan (SK).
Sinabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., maaari aniyang magpatala ang mga botante sa pinakamalapit na Comelec offices, mula Lunes hanggang Sabado, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Paliwanag ni Brillantes, ang voters registration ay bahagi nang kanilang preparasyon para sa halalan na nakatakdang idaos sa Oktubre 28, 2013.
Matatandaang bumuo na rin ng steering committee ang Comelec para mamahala sa preparasyon ng naturang eleksiyon.
Nakatakdang magpulong ang naturang komite tuwing Lunes at diringgin naman ng Comelec en banc ang report nito hinggil sa preparasyon tuwing Martes.
Ang naturang Barangay at SK polls steering committee ay pinamumunuan ni Commissioner Christian Robert Lim, habang mga miyembro nito sina Commissioners Grace Padaca, Luie Guia at Al Parreno.
Kaugnay nito, sinabi ni Brillantes na ang pamamahala ng mga naturang batang commissioners sa nalalapit na eleksiyon ay magsisilbing ‘dry run’ ng mga ito sa sandaling mag-take over na sila para sa national elections sa taong 2016.
Ipinaliwanag ni Brillantes na hindi na niya aabutan pa ang 2016 presidential polls dahil nakatakda na siyang magretiro sa taong Pebrero 2015, gayundin din naman ang mga commissioners na sina Lucenito Tagle at Elias Yusoph. Kumpiyansa si Brillantes na magagampanan ng mga bagong commissioners ng maayos ang kanilang trabaho sa eleksiyon.