MANILA, Philippines - Hindi nababahala ang Palasyo sa seguridad ni Pangulong Benigno Aquino III matapos na mayroong maglathala umano ng cellular phone number ng chief executive sa social networking site, ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
Sinabi ni Sec. Lacierda, batid naman ng lahat ng nakakakilala kay Pangulong Aquino mula ng maging kongresista ito hanggang sa maging pinuno ng bansa na ‘very accessible’ ito.
Nang maupo bilang chief executive si PNoy noong 2010 ay pinayuhan ito ng kanyang Presidential Security Group (PSG) chief Gen. Ramon Dizon na magpalit na ito ng numero para sa kanyang seguridad subalit tumanggi ang pangulo.
Ikinatwiran ni PNoy na marami sa kanyang mga kaibigan mula sa pagiging kongresista ang nakakaalam ng kanyang private number at kapag nagpalit siya ay mawawalan na siya ng kontak sa mga ito.
Idinagdag pa ng Pangulo, ang kanyang cellphone lamang ang tulay sa mga kakilala nito upang malaman ang sentimyento ng publiko sa ginagawa niyang pamumuno sa bansa.