MANILA, Philippines - Walang namomonitor ang Armed Forces of the Philippines (AFP) hinggil sa umano’y pag-aalburuto ng mga ground commanders ng Moro Islamic LiÂberation Front (MILF) matapos na umano’y madismaya sa mabagal na pag-usad ng peace talks sa pamahalaan.
Ito ang inihayag kahapon ni AFP Public Affairs Office (AFP-PAO ) Chief Lt. Col. Ramon Zagala II kaugnay ng mga pangamba sa posibleng maulit umano muli ang madugong pagwawala ng mga ground commanders ng MILF noong 2008 kaugnay ng sumablay na Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD).
Una nang nagpahayag ng pagkadismaya si MILF Vice Chairman for Political Affairs Ghadzali Jaafar na kanilang mga ground commanders dahil sa kabila umano ng nilagdaang inisyal na Bangsamoro Framework Agreement sa Palasyo ng Malacañang ay hindi pa rin umuusad ang negosasyong pangkapayapaan.
Ayon kay Zagala, tiwala ang AFP na mareresolba rin sa lalong madaling panahon ang ilang hindi pagkakaunawaan at hindi ito mauuwi sa panibagong karahasan.
Sinabi ng opisyal na ang AFP ay patuloy namang sumusuporta sa peace process at ang permanenteng kapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng grupo ng MILF ang kanilang tanging hangad.
Sa panig naman ni Jaafar, hindi tatanggapin ng MILF ang anumang pag-aamyenda sa ilang mga isinasaad sa Bangsamoro Framework Agreement tulad ng hatian ng kayamanan.
“Ang sinabi ko pag-aaralan ng Central Committee ang bagay na ito, may proposal ang gobyerno, babaguhin yung ilan doon sa mga napag-usapan, most probably the Central Committee won’t acceptâ€, ani Jaafar.
Samantala, Sinabi naman ni North Cotobato Rep. Jesus Sacdalan na mailalabas na rin ang proposal tungkol sa wealth at power sharing.
Si Sacdalan ay chairman ng house committee on peace, reconciliation and unity ay nagsabing nagkausap na sila ni Pangulong Noynoy Aquino noong Miyerkules at sinabi nitong pinupuno niya lang ang 3 annexes para maibigay sa GRP panel at matalakay sa MILF panel sa susunod na pag-uusap.
Humingi ang mambabatas ng konti pang pasensya at panahon sa MILF dahil sensitibo ang usapin kaya hindi maaaring magpadalos-dalos ang pamahalaan.