MANILA, Philippines - Tinututulan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Youth (CBCP-ECY) ang pagsasabatas ng amended Juvenile Justice Welfare Act of 2006.
Pinagtibay ng Senate bill 3324 at House bill 6052 ang Republic Act 9344 o Juvenile Justice Welfare Act kung saan mayroon ng criminal liabiÂlity ang 15-taong gulang na crime offender habang isasailalim naman sa isang youth care faciÂlity na pangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development ang isang crime offender na may 12-taong gulang.
Ang amended version ng panukalang batas ay naghihintay na lamang ng lagda ng Pangulong Benigno Aquino para ganap na maging batas.
Nilinaw ni CBCP-ECY executive secretary Father Kunegundo Garganta na sakop pa ng responsibilidad ng mga magulang ang mga batang may edad na 12 hanggang 15 taong gulang na nasasangkot sa isang krimen.
Sa halip na parusahan ang mga menor de edad, iginiit ni Fr.Garganta na dapat palakasin ng DSWD ang kanilang programa upang makatulong sa mga kabataan na hindi masangkot sa krimen.
Bukod sa DSWD, tinukoy din ni Fr.Garganta ang iba’t ibang mga law enforcement agency na linisin ang mga pamayanan sa mga crime syndicate, drug syndicate at iba’t ibang grupo na gumagawa ng mga illegal na aktibidad para mailayo ang mga menor edad.
Sa talaan ng DSWD, umaabot sa 10,094 ang mga menor de edad na nasasangkot sa iba’t ibang krimen mula taong 2002 hanggang 2012 kung saan 1,130 sa mga youth offender ay mula sa National Capital Region.