Pinas, Taiwan nagkasundo, hindi gagamit ng puwersa sa pangingisda

MANILA, Philippines - Nagkasundo na umano ang Pilipinas at Taiwan na hindi gagamit ng anumang puwer­sa sa hindi pagkakasundo sa pangingisda sa teritoryo ng Pilipinas.

Ayon sa Taiwan Foreign Ministry, layunin umano ng kasunduan na maiwasang maulit ang anumang engkuwentro sa karagatan tulad ng nangyari sa 65-anyos na Taiwanese national na si Hung Shih-cheng na nasawi matapos paulanan ng bala ng mga miyembro ng Philippine Coast Guard ang sinasakyang Taiwanese fishing boat Guang Da Xing No. 28 sa Balintang Channel noong Mayo 9, 2013.

Ang Balintang Channel na nasa exclusive economic zone ng Pilipinas ay isa sa mga inaangkin ding teritoryo ng Taiwan,

Nagbigay umano ng garantiya ang Pilipinas at Taiwan na iiwasan na gumamit ng armed forces o dahas sa pagpapatupad ng fisheries laws.

Ang magkabilang panig ay nagkasundo rin na magbibigayan pagdating sa kani-kanilang maritime enforcement procedures at ipaaalam ng bawat panig nang walang anumang pagkaantala ang mga aksyon na gagawin laban sa isang barko o crew nito sakaling may mga mangi­ngisda na mahuhuli sa kani-kanilang kini-claim na teritoryo.

Napagkasunduan din na magsasagawa ng mekanismo para sa agarang pagpapalaya sa mga hinuhuli o pinipigil na mga barko at tripulante nito na naayon sa international practice.

Ang kasunduan ay kasunod ng pahayag ng Department of Justice na irerekomenda nila ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga miyembro ng PCG na responsable sa pamamaril at pagpatay sa Taiwanese fisherman.

Sa pagsisiyasat ng Taiwanese investigators, dalawang baril kabilang ang M-14 rifle ang ginamit kung saan may 50 bullet holes na nakita sa nasabing fishing boat.

 

Show comments