MANILA, Philippines - Matapos na isumite ang kani-kanilang mga Statement of Elections Contributions and Expenditures (SECE) lumilitaw na kumita pa ng milyon ang ilang kandidato sa pagka-senador sa nakalipas na 2013 midterm elections.
Ayon sa ilang kopya na ibinahagi ng Comelec lumaÂlabas na kumita ang UNA senatorial bet na si Nancy Binay ng P8 milyon mula sa campaign contributions na tinanggap nito.
Mula sa kabuuang P136,869,398.78 contributions na tinanggap ni Binay, P128,695,057.10 lang ang ginastos nito para sa kampanya samantalang si Bam Aquino ng Team PNoy ay kumita ng P1.1 milyon. P125,493,000.00 ang kabuuang contribution na tinanggap nito ngunit P124,327,987.81 lang ang ginastos sa kampanya.
Kahit natalo sa halalan, kumita rin ang independent candidate na si Ramon Montaño ng P5 milyon mula sa tinanggap nitong contributions dahil P1,383,000.00 lang ang nagastos nito sa kampanya gayong tumanggap ito ng kabuuang P6,629,175.00 kontribusyon.
Kapansin-pansin naman ang mahigit P39 milyon na ginastos ni Jamby Madrigal gayong wala itong tinanggap na kontribusyon.
Wala ring tinanggap na contribution sina Ricardo Penson, Samson Alcantara at Christian Señeres.
Gayunman, gumastos ng P19,698,760.45 si Penson, P344,459.07 si Alcantara at P338,205.24 si Señeres habang gumastos si Cynthia Villar ng P133,979,127.25 sa kampanya kahit P2,613,454.41 lang ang tinanggap nitong kontribusyon.
Sinabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes na maaaÂring ariin na ng mga kandidato ang hindi nagastos na donasyon. Pero nagpaalala si Brillantes na ituturing na kita ng kandidato ang pera kaya papatawan ito ng buwis.