Mosyon ni Ampatuan Sr. inisnab ng korte

MANILA, Philippines - Tinanggihan ng QC court ang mosyon ni da­ting Shariff Aguak Mayor Datu Anwar Ampatuan Sr. na maalis ang kanyang pangalan sa talaan ng mga akusado sa Nov. 23, 2009 “Maguindanao Massacre’’ bunga ng kakula­ngan sa merito.

Sa limang pahinang omnibus order, makaraang isnabin ni QCRTC Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes ang mosyon ni Ampatuan Sr. ay inaprubahan naman nito ang mos­yon ng prosekusyon para sa pagtatakda ng araw ng pagbasa ng sakdal sa naturang akusado makaraang makakita ang korte ng sapat na batayan para maidiin ito sa naturang kaso.

Sa mosyon ni Ampatuan Sr., sinabi nitong dapat na alisin siya sa talaan ng mga akusado sa Maguindanao masaker at madismis na ang kanyang kaso hinggil sa krimen tuloy mapalaya na, dahil wala naman daw matibay na ebidensiya na nagtuturo sa kanya na siya ay kasabwat ng mga taong pinaghihinalaang nasa likod ng naturang krimen.

Sinabi pa nito na imposibleng andun siya sa Bgy. Matagabon na pinangyarihan ng krimen nang maganap ang pa­nanambang sa mga biktima noong alas-10 ng umaga ng Nov. 23, 2009.

Pero ipinunto ng pro­sekusyon na masyadong hilaw para hilingin ni Ampatuan Sr. na maalis ang kanyang pangalan sa hanay ng mga akusado dahil noong August 19,2011 ay natapos na sa Court of Appeals ang usapin tungkol dito. Nag-file noon ng apela si Ampatuan Sr. sa CA na alisin sa talaan ng mga akusado ang kanyang pangalan pero ito ay inis­nab ng CA.

Bunsod nito, itinakda ng korte ang pagbasa ng sakdal kay Ampatuan Sr.  para sa naturang krimen sa June 26  QC Jail Annex sa  Camp Bagong Diwa, Bicutan kung saan siya nakakulong sa kasalukuyan.

Show comments