Sa pamamaril sa Taiwanese: Kaso vs Coast Guard men inindorso ng NBI

MANILA, Philippines - Kinumpirma ni Justice Secretary Leila de Limana inirekomenda na ng National Bureau of In­vestigation ang pagsasampa ng mga kasong kriminal at administratibo laban sa ilang tauhan ng Philippine Coast Guard na sangkot sa pamamaril sa isang mangingisdang Taiwanese sa Balintang Channel malapit sa karagatan ng Luzon Strait no­ong Mayo 9.

Sa isang panayam kay De Lima sa Madrid, Spain na pinagdarausan ng dinadaluhan din  niyang World Congress Against Death Penalty, kinumpirma ni De Lima na hawak ng Presidente ang report ng NBI na nagrerekomenda naman na kasuhan ang mga tauhan ng PCG na sangkot sa insidente.

“Kung anong kaso, hindi ko pa masasabi hangga’t walang pahintulot ng Pangulo,” dagdag ng kalihim. Tiniyak din niya sa publiko na walang impluwensiya sa resulta ng imbestigasyon ng NBI ang mga imbestigador na Taiwanese. “Sana, magkatugma ang konklusyon ng magkabilang panig at huwag magkaroon ng kaibahan.”

Sa isang hiwalay na panayam, binanggit ni De Lima na isinama ng NBI sa rekomendasyon ang mga tauhan ng Bureau of Fisheris and Aquatic Resources na kasama ng mga tauhan ng PCG sa barko ng Department of Agriculture-BFAR Moni­toring, Control and Surveillance (MCS-3001) nang maganap ang pamamaril.

Idiniin pa ng kalihim na ang Pangulo ang hu­ ling magdedesisyon kung sino-sino ang kakasuhan. “Huwag nating unahan ang ikinikilos ng Pangulo. Malaya siyang pagtiba­ yin o tanggihan ang re­komen­dasyon,” sabi pa niya.

Namatay sa naturang insidente ang 65-anyos na mangingisdang Taiwanese na si  Hung Shih-Cheng.

Meron pa umanong iba pang opisyal ng pa­mahalaan ang sasampahan ng kasong admi­nistratibo pero hindi ito pinangalanan ni De Lima.

Naunang ipinahayag ng Pilipinas na naganap ang insidente sa loob ng teritoryo nito habang ipinipilit ng Taiwan na nangyari ang pamamaril sa pinagtatalunang economic zones ng dala­wang bansa.

Idinagdag ni De Lima na ang report ay nagta­tag­lay ng mga pangalan ng mga tauhan ng PCG na sangkot sa pamamaril.

Samantala, sinabi ni NBI Deputy Director Virgilio Mendez  na humihingi ang Taiwan ng kopya ng pinal na report sa pamamagitan ng kinatawan ng Taiwan Economic and Cultural Office na nagtungo kahapon sa Maynila mula Taipei.

Show comments