Nag-isyu ng mining permit sa kompanyang may kaso DENR inireklamo

MANILA, Philippines - Inireklamo kahapon ng isang mining firm ang Department of Environment and Natural Resources  (DENR) sa maanomalyang paggagawad umano ng mining permit sa isang  “illegal miner” na may kahinahinalang record.

Hiningi ng  Yinlu Bicol Mining Corporation na nagmamay-ari ng lupa ang pagbasura ng DENR sa permit na ibinigay sa Investwell Group of Companies,, isang conglomerate na dati nang kinasuhan ng ahensya ng ‘illegal mining’ at ‘theft of minerals.’

Kailangan umanong siyasatin  kung paano nangyari ito at dapat ibasura na ng DENR ang MPSA nila. Kung hindi, magmumukha silang katawa-tawa, ayon kay Atty. Jobbie Barte, legal counsel ng Yinlu.

Inaprobahan noong Abril 2010 ni Regional Director Gilbert C. Gonzales of DENR Regional Office No. V ang isang ulat na nagsasabing ang Investwell, na pagmamay-ari ng isang banyagang Malaysian na nag­ngangalang Yii Ann Hii, ay nagmina sa Sitio Dawahan, Brgy. Nakalaya, Jose Panganiban, Camarines Norte, sa bisa ng mga small-scale mining permit na inisyu sa dalawang indibidwal na gumagamit ng heavy equipment at mga explosive.

Sa ilalim ng batas,  maaari lamang ipagkaloob ang small-scale mining permit sa mga Pilipinong small-scale miner o kooperatiba ng mga small-scale miner. Ipinagbabawal din ng batas ang paggamit ng heavy equipment at explosive sa small-scale mining.

Ang kinukwestyong kompanya ay kabilang rin sa kinasuhan ni Regional Director Roland A. De Jesus ng DENR Mines and Geosciences Bureau Office No. IV MIMAROPA sa Marinduque Provincial Prosecutor’s Office ng “theft of minerals” o paglabag sa Section 103 of RA 7942 noong December 2009.

Anang mga na-ilathalang ulat, noong 2012, inim­bestigahan din ang kumpanya ng DILG Office of Internal Security and DILG Region V sa ilalim ni Sec. Jesse Robredo, bago ang pagyao nito. Inimbestigahan ang Investwell dahil sa umano’y pakikipagsabwatan nito sa mga lokal na opisyal ng Camarines Norte konektado sa ilegal na pagmimina sa lugar.

Show comments