MANILA, Philippines - Hiniling kahapon ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño kay Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Jacinto-Henares na palawigin ang deadline sa bagong BIR requirements sa mga ini-isyung invoices at resibo.
Sa liham ni Casino kay Henares, sinabi nito na bagamat suportado ng ilang sektor ang reporma at pagsusumikap ng BIR na labanan ang paglaganap ng mga pekeng resibo ay marami namang maliliit na negosyante ang umaangal dito dahil sa maiksi umano ang palugit na ibinigay sa kanila.
Reklamo ng mga small at medium business sector na nitong nakalipas na buwan lamang sila naabisuhan sa bagong requirements at marami sa kanila ay may malaki pang bilang ng mga hindi nagagamit na receipt booklets.
Bukod pa sa dagdag gastos sa pagpapagawa ng bagong resibo ay mawawalan na rin umano ng silbi ang mga lumang resibo.
Sinabi ni Casiño na ilan pang reklamo ng mga SMEs ay ang kawalan ng public consultation at malaking multa sa mga hindi susunod sa bagong regulasyon. Ang multa sa hindi susunod sa regulasyon ay P50,000 ay magsisimula na ngayong Hulyo 1.
Si Casino ay kasalukuyang chairman ng Congressional Committee on Small Business and Entrepreneurship Development kaya umaapela ito sa BIR na palawigin pa ang deadline upang bigyan ng sapat na panahon ang SMEs na makapag adjust sila at maÂkagawa ng bagong resibo.