MANILA, Philippines - Hindi pa man tuluyang nakakalabas ng bansa ang bagyong Dante, isa na namang Low Pressure Area (LPA) o bagong sama ng panahon ang namataan ng PAGASA sa Southern Luzon kahapon.
Sinabi ni Buddy Javier, weather forecaster ng PAGASA, ang naturang sama ng panahon ay may 50 percent na maging ganap na bagyo at kapag pumasok na sa bansa ay tatawaging bagyong Emong.
Patuloy naman na napanatili ni bagyong Dante ang lakas habang nasa ibabaw ng Pacific Ocean.
Alas-10 ng umaga, si Dante ay namataan sa layong 1,080 kilometro sa timog silangan ng Basco Batanes taglay ang lakas ng hanging na 75 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin hanggang 90 kilometro bawat oras.
Tinatahak nito ang direksiyon pahilaga hilagang silangan ng Japan sa bilis na 15 kilometro bawat oras.
Bagamat ang bagyong Dante ay nasa karagatan, pinapaigting naman nito ang habagat na siyang nagdadala ng mga pag uulan sa kanlurang Luzon, Bicol at western Visayas. Ang Metro Manila ay patuloy na makakaranas ng mga pag uulan laluna sa hapon o gabi dulot ng thunderstorm.
Samantala, sinabi naman ni Ricky Fabregas, weather specialist ng PAGASA na dahil sa halos araw araw na pag ulan, dami ng kaulapan sa kalangitan, high humidity at kundisyon ng hangin ay pumasok na ang tag-ulan sa bansa.