Sabah claim isyu, dadalhin sa Kamara

MANILA, Philippines - Nangako umano si Bayan Muna Partylist Re­presentative Satur Ocampo kay Sulu Sultan Jamalul Kiram III na dadalhin sa Kongreso ang usapin ukol sa pagmamay-ari ng Pilipinas sa Sabah.

Ito ang inihayag kahapon ni Datu Abraham Idjirani makaraang makipag-usap si Ocampo kay Sultan Kiram sa pamamagitan ng cellular phone. Inihayag  umano ni Ocampo ang suporta niya sa Sultanato sa pag-angkin sa Sabah.

Sa pamamagitan ni Ocampo, maaaring malinawan umano ang publiko at ang mga mambabatas sa tunay na kalagayan ng pagmamay-ari ng Sultan ng Sulu sa Sabah na matagal na dapat naangkin muli.

Ibinunyag rin ni Idjirani ang plano umano ng pamahalaan na isuko si Sultan Kiram sa bansang Malaysia sa oras na maaresto ito makaraang irekomenda ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa kanila.  Buhat umano ang impormasyon sa isang magpagkakatiwalaang source.

Pinagsabihan naman ni Sultan Kiram si Pangulo Benigno Aquino III na hindi maaaring basta-basta na lamang siya ipamigay nito na parang isang pusa dahil sa isa rin siyang Pilipino at napakatagal na umanong nananatili ang Sultanato ng Sulu.

Show comments