MANILA, Philippines - Inamin ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang tumitinding sitwasyon sa Golan Heights ay lalong magiging banta sa seguridad at kaligtasan ng mahigit 300 Pinoy peacekeepers ng United Nations Disengagement Observer Force (UNDOF) na nakabase sa Golan Heights sa Israel-Syria border.
Ito ay matapos na masugatan ang isang sundalong Pinoy peacekeeper matapos na ma-trap at mabaril sa bakbakan sa pagitan ng Syrian rebels at security forces sa nasabing border noong Huwebes.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez, ang pagkakasugat ng isang Pinoy peacekeeper ay muling nagpapatunay na matindi na ang bakbakan sa Golan Heights kung saan kailangan nang i-pullout ang mga Pinoy observers.
Kinumpirma ni Hernandez ang pagkakasugat ng hindi pinangalanang sundalong Pinoy na miyembro ng 6th PH contingent sa Golan Heights ay tinamaan ng shrapnel sa kanang paa sa kasagsagan umano ng sagupaan ng Syrian government troops at rebel forces, may 4 kilometro ang layo sa Camp Ziouni kung saan nakabase sa UNDOF.
Nasa stable condition na umano ang nasabing peacekeeper at nakabalik na sa UN camp sa Golan Heights.
Magugunita na una nang inirekomenda ni Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario kay Pangulong Benigno Aquino III na i-pullout ang lahat ng Pinoy peacekeepers sa Golan Heights matapos ang dalawang magkakasunod na pagkakadukot sa mga Pinoy UN peacekeepers ng Syrian rebels ng nakalipas na mga buwan.