PCG men kakasuhan

MANILA, Philippines - Posibleng kasuhan ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) na sangkot sa  madugong insidente sa Balintang Channel noong Mayo 9, 2013.

Gayunman, sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Deputy Director Virgilio Mendez, nakadepende pa sa mga dokumentong kanilang hinihintay at sa ginagawang pag-aaral sa mga hawak na ebidensiya para sa isusumiteng findings.

Ilan umano sa mga ebidensya na kailangan pa ng NBI ay ang medico legal report at ballistic report mula sa Taiwan na nakasulat sa wikang Mandarin at kailangan pang mai-translate at ma-authenticate.

Nais din umano ng NBI na maiharap sa kanila ang slug na nakuha mula sa Taiwanese fishing boat na sangkot sa insidente.

Sinabi pa ni Mendez na gusto rin nilang malaman kung may hawak na rekord ang Taiwanese investigators na magpapatunay kung sino ang may hawak ng armas na nakabaril sa nasawing mangingisda.

Tumanggi naman si Mendez na sagutin kung napagkasunduan ba sa pagpupulong ang isyu kung kaninong hurisdiksyon naganap ang pangyayari, kung sa Pilipinas ba o sa Taiwan.

Ayon sa opisyal, iyon ay nakadepende sa mapa.

Kapwa kasi iginigiit ng Taiwan at Pilipinas na sakop ng kani-kanilang teritoryo ang pinangyarihan ng pamamaril.

Show comments