8 batas sa 3 taon

MANILA, Philippines - Sa pagtatapos ng 15th Congress, walong panukalang-batas ng baguhang si Senator Teofisto “TG” Guingona ang napirmahan ng Malakanyang para maging ganap na batas.

Kabilang sa mga batas na ito na inakda ni Guingona ang RA 10368 o Human Rights Victims Repa­ ration and Recognition Act of 2013, Anti-Money Laundering Act (AMLA), at RA 10168 o Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012, at ang isa sa mga pina­kabagong batas ng Pilipinas, ang RA 10557 o National Design Policy Law.

Pinatutunayan ng mga panukalang naisa­batas ni Guingona na hindi ba­lakid ang pagiging bagito sa Senado para makapaghain ng mga susing batas na kailangan ng bayan.

Sa pagpasok ni Guin­gona sa ika-16 na Kongreso ng Pilipinas sa Hulyo, hindi tulad nina Nancy Binay at Grace Llamanzares-Poe, hindi na ma­ituturing na ‘rookie senator’ si Guingona.

Pero inaasahan na ga­gabayan niya ang ba­gong salinlahi ng mga bagito para tapusin ang ilang “unfinished business” sa Senado. Kabilang sa mga ito ang mga karagdagang amyenda sa AMLA, pagrebisa ng Cybercrime Prevention Act, at mga panukala sa Freedom of Information at Crowdsourcing.

May tatlong taon pa sa puwesto si Guingona at matatapos ang kaniyang term sa 2016.

Sa RA 10368, gagamitin ang nabawing yaman ng mga Marcos sa pagbabayad ng kompensasyon sa mga biktima ng mga pang-aabuso noong panahon ng  batas militar.

Samantala, itinanghal pati ng ibang bansa ang AMLA amendments ni Guingona bilang mariing dagok sa corruption at pag-iimbak ng ilegal na yaman.

Dahil sa mga amyenda ni Guingona, hindi na lang mga bangko ang sa­kop ng AMLA. Bina­bantayan na rin ang mga kuwarta padala, sang­laan, real estate, stock ex­change, sugalan, at foreign exchange bilang posibleng lagusan ng perang nagmula sa mga ipinagbabawal na gawain.

Isa sa mga pinakabatang batas ng bansa ay likha rin ni Guingona, ang National Design Po­licy Law. Sinabi ni Guingona na solusyon ito para magamit ang pag-disenyo, hindi lamang ng mga produktong Pinoy, kundi ng mga solusyon sa mga problema ng lipunan.

Nag-iisang senador na hindi bumoto para sa Cybercrime Prevention Act, pinangunahan ni Guin­­gona ang paglaban sa pagpapatupad ng batas na pang­harang sa internet freedom. Kasama ang libu-­libong ‘netizen’ o Pinoy internet users, matagum­pay na nahad­langan sa Supreme Court ang pag-iral ng kontrobersyal na batas.

Show comments