MANILA, Philippines - Tatlong Pilipino ang kumpirmadong patay habang isa ang nasa kritikal na kondisyon nang sumalÂpok ang kanilang sinasakyang kotse sa isang road train sa Queensland, Australia noong Linggo.
Base sa report na tiÂnanggap ng Department of Foreign Affairs (DFA) mula sa Embahada ng Pilipinas sa Canberra, apat na Overseas Filipinos Worker na nagkaka-edad ng 36,39, 41 at 45 anyos ang kinumpirmang biktima ng traffic crash sa Dalby, katimugang bahagi ng Queensland noong Hunyo 2, 2013.
Ayon kay DFA Spokesman Raul Hernandez, dalawa sa mga biktimang Pinoy ang idineklarang “dead on the spot†sa pinangyarihan ng aksidente at isa ang nasawi habang ginagamot sa ospital bunga ng tinamong matitinding pagkadurog at sugat sa katawan. Nananatiling nasa malubhang kalagayan ang isa pa nilang kasamahang Pinoy sa isang ospital sa Dalby.
“Dalawa sa kanila ang namatay agad sa pinangyarihan ng insidente, iyong isa ay sa ospital namatay habang malubhang nasugatan ang isa pa na nasa ospital,†sabi ni Hernandez.
Sinabi ni Hernandez na nasabihan na ng DFA at Embahada ang pamilya ng tatlong nasawi na hindi muna tinukoy ang mga pangalan.
“Ang ating embahada sa Canberra ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa employer ng mga biktima para matulungan ang mga nakaligtas na Pilipino at ang mga pamilya ng mga namatay sa aksidenteng ito,†dagdag ni Hernandez.
Patuloy ang isinasagawang pagsisiyasat ng Dalby Police sa nasabing insidente.
Sa inisyal na ulat, mabilis na tinatahak ng mga biktima ang maling bahagi ng Warrego Highway sa Dalby nang bumangga ang kanilang sasakyan sa isang road train noong Linggo ng alas-2:30 ng hapon. Nakaligtas umano sa insidente ang driver ng nasabing tren.