MANILA, Philippines - Inindorso kahapon ni Pangulong Benigno Aquino III sa mga kaalyadong kongresista na maging pinuno muli ng Kamara sa 16th Congress si House Speaker Feliciano Belmonte Jr.
Ayon kay Presidential Communications Group Sec. Ricky Carandang, ginawa ni Pangulong Aquino ang pag-eendorso kay Speaker Belmonte sa ginawang luncheon sa Palasyo na handog ng chief executive sa mga nanalong kandidato ng Liberal Party (LP) sa congressional race nitong May 2013 elections.
Wika pa ni Carandang, umaasa na maitutuloy ni Speaker Belmonte ang pamumuno sa Kamara sa 16th Congress upang maisulong ang mga panukalang batas na lalong magsusulong sa magandang kinabukasan ng Pilipinas sa pamamagitan ng ‘tuwid na daan’.
Muling nanalo si Belmonte bilang 4th district congressional representative sa Quezon City sa ilalim ng LP.
Bukod kay Belmonte ay nanalo din ang LP congressional bets na sina Rep. Bolet Banal (3rd district), Francisco Calalay sa 1st district, Alfredo Vargas sa 5th district, Chirstopher Belmonte sa 6th district, Winston Castelo sa 2nd district ng Quezon City.
Majority pa rin ang Liberal Party sa Mababang Kapulungan dahil maraming LP candidates ang nanalo sa nakaraang May 2013 elections bukod pa ang mga kaalyado sa Nacionalista Party, Laban ng Demokratikong Pilipino at Nationalist Peoples Coalition (NPC).
Ayon naman kay EasÂtern Samar Rep. Ben Evardone, isa sa tagapagsalita ng Liberal Party (LP), bilib ang Pangulo sa liderato ni Belmonte dahil na rin sa pagpasa ng mahahalagang panukalang batas tulad ng Reproductive Health (RH) bill, Sin Tax bill at iba pa.
Bukod sa endorsement, kinakausap na rin umano nila ang iba pang miyembro ng koalisyon na nasa ibang partido para sa pananatili ni Belmonte bilang House Speaker.
Samantala, inaasahan namang ang itatapat ng oposisyon kay Speaker Belmonte ay si Lakas president at Leyte 1st district Rep. Ferdinand Martin Romualdez.