MANILA, Philippines - Dapat isama sa curriculum ng mga estudyante sa elementarya at high school ang pag-aalaga sa kalikasan.
Naniniwala si Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma at Climate Change Commission chairman na dapat malaman at matutunan ng mga estudyante ang pangangalaga at pagbibigay proteksyon sa kalikasan upang maging handa ang mga ito sa anumang kalamidad.
Sinabi ng Arsobispo na nakita ng tao kung gaano katindi ang impak ng kalamidad tulad ng baha at mga landslide kung inaabuso natin ang kalikasan.
Inihalimbawa ni Archbishop Ledesma ang pananalasa at pinsala ng bagyong Sendong sa Cagayan de Oro dahil sa discriminate logging at pagmimina.
Binigyan diin ng Arsobispo na mahalagang malaman ng mga kabataan sa kanilang murang edad ang iba’t-ibang geo hazards na lugar sa bansa.
Sa pamamagitan ng pag-aaral sa kalikasan ay matututo ang mga ito at kanilang mga magulang kung paano paghandaan ang pananalasa ng anumang kalamidad sa bansa.
Importante din umanong malaman ng mga kabataan ang mga mapanganib na lugar at mga lugar kung saan dapat lumikas kapag may pagbaha at landslide.
Mahalaga rin anyang malaman ng mga batang estudyante at kanilang mga magulang ang proper waste management upang maiwasan ang pagkakaroon ng malalaking pagbaha.