Brgy. chairman inireklamo nang pananapak

MANILA, Philippines - Isang 14-anyos na binatilyo ang namaga ang  mata  matapos na umbagin ng isang punong barangay sa Sampaloc, Maynila kahapon ng madaling-araw.

Kasama ang kanyang mga magulang at ka­patid, isinuplong sa Manila Police District Children’s and Women’s Division  ng menor de edad na si Ernesto Nacion, grade 6 pupil, ng  Sampaloc, Maynila si Brgy. Chairman Jinggo Severino, ng Brgy. 565 Zone 55 ng ika-4 na Distrito sa lungsod.

Idinawit din ng biktima sa kasong paglabag sa anti-child abuse law at physical injury  ang tatlo pang opisyal sa nasabing barangay na kinabibila­ngan ng kagawad,  isang barangay executive officer kasama ang isa pa.

Sa salaysay ng biktima sa Women’s desk, alas-3:00 ng madaling-araw nang maganap ang pananakit sa kanya ni Severino sa Norma St.,  malapit sa kanto ng Visayan St. sa Sampaloc.

Kasalukuyan uma­nong nakikipagsayawan  ang biktima nang magkaroon ng  rambol  at na­ging dahilan ng kanyang  pag-iwas upang hindi madamay.

Nagulat na lamang umano siya nang damputin ng tatlong opisyal ng barangay at dinala sa bahay ni Se­verino kung saan agad siyang tinadyakan sa dibdib.

Sa loob aniya ng ba­hay ni Severino ay pinagtulungan siyang saktan ng mga nasa­bing suspect, inumbag umano siya sa mukha  kaya nawalan din siya ng malay at nang ma­gising na ay agad siyang pinauwi ng mga opisyal ng barangay.

Kasama ang kanyang mga magulang ay nag­tungo aniya sila sa MPD Station 4 upang mag­­reklamo ngunit imbes naman na umaksiyon ang naturang himpilan ay ipinasa  sila sa MPD Wo­­men’s  and Children’s Desk.

Show comments