Tugisin ang Abu Sayyaf! - PNoy

MANILA, Philippines - Iniutos ni Pangulong Aquino ang pagtugis sa mga miyembro ng Abu Sayyaff Group (ASG) na nasa likod ng pamamaslang sa 7 miyembro ng Philippine Marines sa Patikul, Sulu.

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, ikinalungkot ng Pangulo ang natanggap na ulat mula sa AFP na 7 Marines ang nasawi sa engkwentro nito sa ASG.

“We would like to express our sincere condolences to the families of our soldiers who were killed in action; and again, they were keeping our country safe para this allows us to go on and --- you know to go on doing what we do in our everyday activities. But our soldiers are always there to make sure that we are safe and that we are secured,” giit pa ni Usec. Valte.

Sa huling ulat ay umak­yat na sa 16 katao ang namamatay sa engkwentro sa pagitan ng Marines at Sayyaf na naganap nito pang Sabado.

Ayon kay Western Mindanao Command (Wesmincom) Public Information officer Col. Rodrigo Gregorio, mula sa pito, siyam na miyembro ng rebeldeng ASG ang nasawi habang 15 bandido pa ang sugatan.

Siyam naman ang sugatan sa panig ng mga sundalo na dinala na sa Camp Navarro General Hospital.

Kahapon, nagsagawa ng seremonya ang Wesmincom bilang parangal sa mga nasawing kasamahan. Ang pitong kabaong ng nasawing sundalo ay isinakay sa C130 sa may Edwin Andrews Air Base sa Zamboanga City.

Magugunitang naganap ang engkwentro habang nagsasagawa ng operasyon ang Philippine Marines nitong Sabado ng umaga para hanapin ang kinalalagyan ng asawa ng kanilang kasamahan na dinukot ng rebeldeng grupo.

Ayon naman kay AFP Chief of Staff Gen. Emmanuel T. Bautista, patuloy ang operasyon sa Patikul, Sulu para iligtas ang iba pang biktima ng pagdukot ng Sayyaf.

 

Show comments