Obispo:Aklat ni Brown i-boykot!

MANILA, Philippines - Mas mabuting i-boykot ng mga Filipino ang libro ni Dan Brown na “Inferno” dahil sa ginawang pag-alipusta sa Metro Manila na tinawag na “gates of hell”.

Ito ang naging payo ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz dahil nagpapapansin lang aniya si Brown para mabili ang kanyang bagong libro tulad ng ginawa nito sa “Da Vinci Code”.

Aminado ang arsobispo na malubha ang traffic, prostitusyon, laganap ang krimen, pollution at kahirapan sa Metro Manila ngunit hindi aniya tamang tawagin ang Metro Manila bilang gates of hell.

Pinaliwanag pa ni Archbishop Cruz na hin­ding-hindi niya ipagpalit sa ibang bansa ang kagandahan na manirahan sa Pilipinas dahil umiiral dito ang pagpapahalaga sa paghahanap ng katotohanan, respeto sa kapwa at kapayapaan.

“Tototo na mayroong masasamang tao sa Metro Manila, may mga patayan, nakawan, lokohan at mga abduction pero huwag sasabihin sa akin na ipagpapalit ko ang Pilipinas sa ibang bansa tulad ng Middle East countries. Baka gusto ni Brown na pumunta doon ng makita niya na ang buhay ng tao ay walang halaga, na ang kapwa tao ay hindi binibigyang respeto,” ani Cruz.

Kaalinsabay nito ay pinayuhan ni Archbishop Cruz ang administrasyong Aquino na tanggapin na lamang bilang hamon ang mga puna ng mga dayuhan para ayusin ang pamamahala sa bansa.

Una na rito ay pinalagan ng ilang lider at mananampalataya ng Simbahang Katoliko si Brown sa dalawang naunang nobela na “Da Vinci Code” at “Angels and Demons” dahil naglalaman ng ilang kontrobersyal na isyu bukod pa sa ilang maling impormasyon hinggil sa Simbahan.

 

Show comments