MANILA, Philippines - Matapos ang halos isang araw na pagkakabihag, pinalaya na ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) noong Martes ng gabi ang anim na kinidnap sa pagsalakay sa security agency sa Tagum City, Davao del Norte.
Kinilala ang mga pinalayang bihag na sina Terencio Laplana, may-ari ng Dasia Security Agency; Conception Laplana at ang anak si Honey Marielly Laplana, 10; mekanikong si Rene Aquilleno at ang dalawang security guard na sina Armando Niones at Ryan Hapitan.
Sa tala ng pulisya, ang mga biktima ay kinidnap matapos salakayin ang Dasia Security Agency sa ÂOrange Valley Subdivision, Barangay South noong Lunes ng gabi.
Ayon kay P/Supt. Epe Rillo, hepe ng Tagum City PNP, ligtas nakabalik sa Dasia Security Agency ang mga biktima matapos sunduin nina Macario Humol, bokal sa Compostela Valley at isang pari ng Christ the King na tinukoy sa apelyidong Fr. Arosa sa Brgy. Sangab, Maco, Compostela Valley.
Sinabi ng opisyal na wala namang report na sinaktan ang mga biktima at wala rin umanong ransom na binayaran para sa kalayaan ng mga ito.
Naniniwala naman ang opisyal na posibÂleng ginawa lamang human shield ng mga rebelde ang mga biktima laban sa tumutugis na puwersa ng pulisya at sundalo.