MANILA, Philippines - Nagsasagawa na ngayon ng search and rescue operation ang mga awtoridad upang iligtas ang sugatang Russian mountaineer na sinasabing mag-isang umakyat sa Mount Mayon na walang permiso mula sa kinauukulang ahensya ng pamahalaan sa Albay.
Sa ulat ng Albay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), bandang alas-6:30 ng umaga kahapon nang maglunsad ng search and rescue operations upang hanapin ang biktimang si Mark Yuchyugaev.
Sa inisyal na impormasyon, si Yuchyugaev ay naligaw sa Mt. MaÂyon kung saan nabalian ng binti matapos na umakyat na walang tour guide sa bulkan noong Mayo 19.
Noong Martes ng gabi ay dumulog sa Albay PDRRMC, ang kakilala ni Yuchyugaev na si Jerry Bilala ng Daraga, Albay upang humingi ng saklolo para sa nasabing dayuhan.
Sinabi ni Bilala na nagawang makatawag sa kaniyang cell phone ang nasabing dayuhan kung saan humihingi ng tulong kaya idinulog niya ito sa mga awtoridad.
Sinasabing nasa 1,700 metro na ang naakyat ng biktima sa Mt. Mayon nang mabalian ito ng binti at humihingi ng saklolo kay Bilala para makababa.
Magugunita na noong Mayo 7 ay apat na Aleman at isang Pinoy tour guide ang nasawi matapos ang phreatic explosion o pagbuga ng abo ng bulkan.