MANILA, Philippines - Inalok umano ni Pangulong Benigno Aquino lll si Sen. Loren Legarda upang maging kapalit na lider ng Senado, ayon sa mapagkakatiwalaang source sa Malacañang.
Sinabi ng impormante, dalawang beses umanong inalok ni Pangulong Aquino si Sen. Legarda para pamunuan ang Senado kapalit ni Senate President Juan Ponce Enrile.
Sa pagpasok ng 16th Congress, ay inaasahang magkakaroon ng pagbabago sa liderato ng Senado dahil sa pagpasok ng bagong halal na 12 senador, kung saan ang 9 ang nagmula sa Team PNoy at 3 lamang ang galing sa United Nationalist Alliance (UNA).
Kabilang sa lumulutang na nais pumalit kay Enrile ay sina Sen. Franklin Drilon na campaign manager ng Team PNoy at Sen. Alan Peter CaÂyetano ng Nacionalista Party (NP). Nagpahayag na din si Sen. Serge Osmeña na hindi siya interesado sa posisyon.
Naunang Sinabi ni Senate Majority Leader Vicente Sotto lll na nakahandang bumaba sa puwesto si Enrile sa sandaling makakuha ng sapat na bilang ang nagnanais sumungkit sa liderato ng Senado.
Kapag nagkataon na makuha ni Legarda ang posisyon ni JPE ay siya ang kauna-unahang lady Senate president.