MANILA, Philippines - Itinanggi ng Malacañang ang ulat na may napaslang na OFWs sa Taiwan bunga ng paghihiganti ng mga ito matapos napaslang ng Philippine Coast Guard ang isa nilang mangingisda noong Mayo 9 sa Balintang Channel.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, walang katotohanan na may napatay na OFWs sa Taiwan bagkus ay 3 Pinoy ang iniulat na nasaktan pero hindi naman malubha ang tinamong sugat ng mga ito batay sa report ni MECO chief Amadeo Perez sa Malacañang.
Kinumpirma ni MECO chief Perez na ang mga nasaktan na OFWs ay sina Joey de Leon, Danilo Taperla at Renato Guro na sinaktan ng mga galit na Taiwanese sa Southern Taiwan.
Aniya, nagpakalat ng mga Taiwanese police sa SouÂthern part ng Taiwan upang mapigil ang anumang pananakit sa mga OFWs bunga ng pagkakapaslang sa 65-anyos na mangingisda sa Balintang Channel noong Mayo 9.
Siniguro din ni Taiwan President Ma na bibigyang proteksyon ang mga OFWs na nasa kanilang bansa mula sa anumang pananakit kaugnay sa pagkamatay ng kanilang mangingisda.