MANILA, Philippines - May kabuuang 200 pribadong paaralan sa elementarya at high school sa National Capital Region pa lamang ang inaprubahan ng Department of Education (DepEd) na magtaas ng singil sa matrikula ngayong darating na pasukan.
Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, nasa 6 porsyento ang inaprubahan nilang pagtataas at hindi na dapat lalagpas dito.
Idinahilan ni Luistro na kailangan ang naturang pagtataas para sa pampasuweldo sa mga guro, pagsasaayos ng mga pasilidad, at iba pang kagamitan.
Samantala, inilunsad na kahapon ng DepEd ang taunang Brigada Eskwela sa Philippine School for the Deaf sa Pasay City upang maihanda ang mga paaralan sa pasukan sa pamamagitan ng pagkukumpuni, pagpipintura at paglilinis sa mga silid-aralan.
Katuwang ng DepEd ang ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of the Interior and Local Government, Armed Forces of the Philippines, mga lokal na pamahlaan, mga non-government organizations, pribadong sektor, mga magulang at mga estudyante.
Nabatid na aabot sa 25 milyong mag-aaral ang babalik sa mga paaralan sa Hunyo 3 kung saan 20.5 milyon ang nasa mga pampublikong paaralan.
Nabatid na unang inumpisahan ang Brigada Eskwela noong 2003 at nasa 10 taon na ang implementasyon. Dito nakatitipid ang DepEd sa pagkukumpuni sa mga paaralan lalo na sa mga lugar na tinatamaan ng kalamidad.