Hindi ko ‘ginamit’ si Heart para manalo - Chiz

MANILA, Philippines - Iginiit ni Sen. Chiz Escudero na hindi niya ‘ginamit’ ang kanyang girlfriend na si Kapuso star Heart Evange­lista sa kampanya para lamang manalo sa katatapos na 2013 midterm elections.

“Sa buong kampanya, hindi ko kasama at sinama si Heart. Nitong gabi lamang ng proclamation dahil tapos na, doon lang kami nagkasama kaugnay ng trabaho ko,” paliwanag pa ni Sen. Chiz sa Umagang Kay Ganda program sa ABS-CBN.

“Ayaw kong masabi o sabihin nino man na ginamit ko si Heart. Dahil para sa akin, nung nakilala ko siya ay ganito na ako. Hindi namin kinailangan ang isa’t isa. Wala kaming kailangang ipakita o patunayan kanino man,”paliwanag pa ni Escudero.

Ang presidential sister at TV host na si Kris Aquino ang sumama kay Escudero at Grace Poe sa kanilang pangangampanya sa General Santos City, Davao City, Cebu City at Tacloban City sa huling linggo ng kampanya.

Pumangatlo si Escudero sa nanalo at naiprokla­mang senador kamakalawa ng gabi ng National Board of Canvassers ng Commission on Elections kung saan ay nanguna sina Grace Poe at Sen. Loren Legarda.

 

Show comments