MANILA, Philippines - Sa kauna-unahang pagkakataon, nakaboto rin kahapon ang nasa 2,000 preso ng New Bilibid Prisons (NBP).
Sa 22,000 bilanggo, nasa 2,000 lamang ang nakarehistro para bumoto at pinakamarami ay buhat sa maximum security compound. Tanging pinayagan na makaboto ay ang mga bilanggo na nakaapela ang mga kaso o kaya ay nakapending pa at naghihintay ng pagdinig.
Sinabi ni NBP Superintendent Fajardo LansaÂngan na itinuturing na residente na ng Muntinlupa City ang mga bilanggo.
Nag-umpisa ang pagboto ng mga bilanggo dakong alas-11 na ng umaga makaraan na magkaroon ng pagkaantala dahil sa miskomunikasyon sa NBP at Comelec sa pagkuha ng mga balota.
Pansumandaling inilabas sa kanilang selda ang mga bilanggo at dinala sa multi-purpose hall kung saan doon sila pormal na bumoto. Dinala naman ang mga tapos na balota sa isang presinto sa Alabang at doon ipinasok sa Precinct Count Optical Scanners (PCOS) machines upang mabilang ang kanilang mga boto.
Naging matiwasay din ang nangyaring pagboto ng mga preso sa Quezon City jail sa kabila ng manual voting na ipinatupad dito kahapon.
Ito ang sinabi ni Supt. Joseph Vela, jail warden ng QC jail, kung saan ganap na ala- 1:30 ng hapon ay umabot na sa 138 na preso ang nakaboto sa pamamagitan ng manual voting.
Ayon kay Vela, inaasahang higit sa 300 preso ang makakaboto sa pagtatapos ng botohan hanggang alas- 7 ng gabi dahil tuloy-tuloy umano ang ginagawang pagpo-proseso sa mga pangalan ng mga pinayagang makaboto ngayong eleksyon.
Nabatid sa opisyal na manual voting ang ipinatupad sa loob ng jail dahil walang PCOs machine na ipinagkaloob sa kanila ng COMELEC.
Subalit, dagdag ni Vela, naging maayos naman umano ang takbo ng botohan at may mga naka-standby na puwersa ng Philippine National Police na siya namang tutulong sa Board of Election Inspector ng komisyon para sa pagdadala ng mga balot boxes sa bawat presinto.
Sinasabing aabot sa 896 na preso ang pinayagan ng COMELEC para makaboto, subalit may 390 preso lamang umano, ayon kay Vela ang siguradong makakaboto sa nasabing piitan.
Sa Maynila, umabot sa 700 bilanggo ang nakaÂboto sa Manila City Jail (MCJ).
Paliwanag ni Chief Supt. Lyndon Torres, warden ng MCJ, ang ibang qualified sa pagboto ay nakalaya na bago pa isagawa ang midterm polls.
Naging mapayapa naman ang eleksiyon sa loob ng piitan at wala ring naging aberya sa Precinct Count Optical Scan (PCOS) na ginamit sa pagboto ng mga preso.
Humingi naman ng paumanhin sa mga kaanak ng mga bilanggo ang warden dahil sa pansamantalang pagbabawal nila sa mga bisita at pamilya na makadalaw kahapon dulot ng pagpartisipa ng mga bilanggo sa halalan.
Nabatid na nasa 40,000 bilanggo ang kuwalipikadong bumoto nitong nakalipas na eleksyon kung saan maaaring makaapekto ang boto nila sa resulta ng mananalong kandidato.