MANILA, Philippines - Aabot sa 300 Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine ay sinasabing tumirik, nagkaproÂblema at hindi nagamit ang iba habang isinasagawa ang halalan kahapon.
Ayon kay Cezar Flores, tagapagsalita ng Smartmatic, kung ikukumpara noong 2010 election ay mas konti ngayon ang nagkaroon ng pagpalya ng mga PCOS machine.
Ani Flores, base sa kanilang rekord ay may kabuuang 400 ng PCOS machine ang tumirik noong 2010 election habang ngayong 2013 ay tinatayang aabot lamang sa 200 hanggang 300 ang pumalya na hindi naman nakaapekto sa ginanap na halalan.
Sinabi ni Flores, may kabuuang silang 77,000 na PCOS machine na nakakalat sa buong bansa, bukod pa ang 2,000 PCOS na on-standby.
Samantala, sinabi naman ni COMELEC deputy executive director for operations Teopisto Elnas Jr., na 96 clustered precincts na nasa Metro Manila, Zamboanga City at Zamboanga del Norte ang kanilang naitala na pumalya ang mga PCOS machine.
Kabilang sa ilang problema sa mga PCOS machines ay ayaw tumanggap ng balota, mayroon ring biglang nag-shutdown, ang iba ay hindi gumana, may mga nag-jam at may mga nawawalang CF cards.