Vote buying ‘di kukunsintihin - Palasyo

MANILA, Philippines - Inatasan ng Malacañang ang pulisya na pala­kasin ang kampanya laban sa vote buying kasunod ng ulat na talamak na bilihan ng boto sa lalawigan ng Zambales.

Sinabi ni Deputy Pre­sidential Spokesperson Abigail Valte, mismong si Pangulong Aquino ang nag-utos sa PNP sa isinagawang command conference na lalo pang paigtingin ang kampanya laban sa vote buying.

Siniguro ni Usec. Valte, walang sisinuhin ang kampanya laban sa vote buying kahit na ang masasangkot dito ay kapartido ni Pangulong Aquino sa Liberal Party.

Ibinunyag ng mga mamamahayag sa Zambales ang talamak na vote buying sa kanilang lalawigan kung saan ay iniulat na ang nasa likod umano nito ay si Olongapo Mayor Bong Gordon na tumatakbong kongresista sa 1st district ng Zambales sa ilalim ng LP at kapatid naman ni UNA senatorial bet Richard Gordon.

“Kahit kapartido pa yan ng Pangulo, kapag may ginawa ho silang nilabag, hindi naman tayo mag-aatubiling hulihin sila kung meron tayong natanggap na impormayon o sumbong,” wika pa ni Valte.

Ipinaubaya naman ng Malacañang sa Commission on Elections ang nararapat na hakbang laban sa sumbong na vote buying sa Zambales kasabay ang panawagan sa taumbayan na isumbong agad sa Comelec ang anumang nakikita nilang anomalya sa darating na May 13 elections. (Rudy Andal/Malou Escudero)

 

Show comments